Apat Na Dagli Bago ang Hatinggabi
Disyembre 24, 2005
I. Kloseta
Inilaan ko talaga ang araw na ito upang magsulat. Pagdating ko ng boarding house, nadatnan ko ang roommate kong may kasamang lalaki.
Humiga ako sa ibabang kama at nagtulug-tulugan.
Nakaupo ang aking roommate, na papangalanan kong Bruce, sa maalikabok naming sahig kaharap ang kanyang kompyuter, nanunuod ng pelikula ni Superman. Nakatalikod siya sa akin. Ngunit sa kabilang tab andun ang sampung larawan ng mga hubad na lalaki at ng kanilang mga lawit na ari.
Ang lalaking kanyang kasama ay nakahiga sa itaas na bahagi ng double-deck naming kama. Itanatago ang mukha sa ilalim ng unan. Ngunit sinisilip ako paminsan-minsan habang sinisilip ko rin siya.
Walang bintana ang kuwartong inuupahan ko. May siwang lang sa itaas na parte ng dingding na diretsong nakaharap sa pintuan palabas.
Mestisuhin ang lalaking kasama ng aking roommate, kabaliktaran ng pagmumukha ni Bruce. Sandali pa’y lumabas si Bruce at pagbalik ay may dala-dala na itong 2 BigMac, 2 french fries, at 2 large coke.
Naglatag sila sa sahig at nanuod ng Superman uli habang nakatalikod sa akin. Maitim ang likuran ni Bruce, sing-itim ng kanyang siko. Nakikita ko iyon dahil naghubad siya ng kamiseta.
Sandali pa’y lumabas ako't ibinagsak ang pinto.
Naisip kong napaka-symbolic ng aking ginawa. Coming out of the closet. Sana gawin niya na rin yun, tuturuan ko pa siya paano magkuskos ng mga grasa sa likuran niyang tadtad ng taghiyawat.
II. Kape
Dumaan nga naman ang pasko. Akalain mo ba namang sa CR pa ngGreenbelt kami inabutan ng medya noche! Kasi etong Anghelong 'to, late na naman. Hayun...ano pa nga ba. Nakipagsiksikan na naman kami sa mga sosyal at pasosyal. Habang hinihintay ko si Anghelo, tumambay muna ako sa labas ng Starbucks. Umorder ako ng latte sa loob, tapos mali pa yung pagkabanggit ng barista sa pangalan ko kaya ganun na lang katagal ang aking paghihintay. Saka na ako nagbakasakaling magtanong. At nang makuha ko na ang kape ko, malamig na ito. Gusto ko sanang itapon sa pagmumukha ng baristang iyon ang kape ko at mag-iskandalo ngunit naisip kong pasko. =)
III. Multo
Nung kahuli-hulihang pagkakataong nakita ko si Enrico, pinatugtog niya angLove Moves ni Nina. Habang kaming dalawa'y nakahiga lang sa sofa ng bahay ng isa niyang kaibigan. Naghalikan kami. At sagli’t saglit pa’y naghubaran. Nagkiskisan ng katawan. Ngunit nang aktong papatuwarin na niya ako, tumanggi ako.
Kaya hayun, nahiga na lamang kami sa sofa. Nagpalabas ito ng malalim na bunting-hininga. Hindi siya magaling humalik at amoy sigarilyo ang kanyang bibig.
Marahil sa labas, maagang namahinga ang mga kuliglig at mapayapa ang langit, maliwanag ang buwan. Marahil sa kabilang daigdig may nagniniig ding tulad ko at tulad ni Enrico. Marahil dalawa ako. Marahil andun ako’t malungkot kaya nandito ako ngayo’t namamahay sa katawan, nagbabasakaling narito ang aking hinahanap.
Napaidlip ako sa aking mga bisig at paggising ko'y wala na siya sa tabi ko. Habang ang kanta ni Nina’y patuloy pa ring tumutugtog at nanunuot sa aking katawan.
IV. Walang Pag-ibig
Nagbabalik na naman ako sa mga random thoughts ko. Nangyayari ito madalas kapag masyado akong nagagalak. At sa lubos na pagkagalak, agad-agad akong nalulungkot dahil marahil wala akong intensyong maging masaya.
Naramdaman mo na siguro ang pakiramdam kapag ika’y nasa roller coaster at paakyat ka na’t nasa dulung-dulo ka ng kaitaasan at bigla ka na lamang ibabagsak. Ito rin marahil ang pakiramdam kapag nasa gitna ka ng isang mahimbing na pagkatulog at bigla kang nagising at naisip mong, nasaan ka?
Nasa Italiannis kami nang, pilit nilulunok ang nakakaumay na manok at ispageti. Bilang namin ang mga patlang sa mga buntung-hinga. Mabigat ang hangin at sa loob ng restoran, may nakatirik na kandila sa isang mesa sa banding gitna. May lalaki. Nag-iisa siya.
Nilapitan ko siya at sinabi niyang:
"Walang pag-ibig."
Sabay ng bumigkas ang bibig niya at isip ko. Biglang huminto sa pagtibok ang aking puso at agad-agad ri’y pumintig nang pagkabilis-bilis. Nabasag,ito’t sinugatan ng bubog ng puso kong nahulog sa sahig ang mapuputing hita ni Anghelo.
Sabay text ni Enrico, "... walang pag-ibig."
"Ano'ng problema mo?", tanong ni Anghelo habang ang eyeliner niya'y parang nabura't tumulo paibaba sa mukha niya.
"Anghelo, magpunas ka nga ng mukha. Nakakahiya ka.", utos ko sa kanya.
"Kasalanan natin.", sambit niya.
At humagulgol kami nang sabay-sabay - napakalakas -hanggang mag-umpugan ang mga tinig namin sa mga gusali sa buong Makati; pinagtinginan kami ng lahat ng tao; tumigil ang mga tao sa pagsasayaw—kapaskuhan nun-- may mga puti at itim; may mga dolyares; paminta at mga bakla; bumabaha ng inumin at margarita; may mga naghiyawan; at… sandaling katahimikan. Patuloy kaming umiiyak ngunit walang boses na lumalabas.
Pagbalik ng mga boses namin, bumulong kami sa isa't isa nang mga katagang hindi na namin matandaan kung ano hanggang ngayon. Marahil, nangako kami sa mga sarili't ang tanging katuparan nito'y ang hindi pag-imik.
Umalis kami sa lugar at umulan ng mga rosas. Wala na pala ang mga tao sa paligid. Nakasara na ang mga bar na kani-kanina lang ay punung-puno pa.
Dala-dala ni Anghelo ang kanyang mga sapatos nang nakasabit sa dalawang daliri, habang iiga-iga siyang nagpasuray-suray sa daan. Sa isang daliri niya’y nakasalukbit ang isang piluka.
”Nasa’n ang puso mong nahulog kanina? Babalikan ba natin? ”, ang tanong ni Anghelo habang malamlam siyang nakatitig sa mga mapupusyaw kong mata.
Chatboard (0)